Winakasan ni Villa ang kaniyang buhay noong November 9, pero inilabas ng kaniyang pamilya kahapon ang mga isinulat niyang liham na may mga petsang August 23, 24 at 25, na naglalaman ng kaniyang mga saloobin, partikular tungkol sa kaniyang trabaho.
Sa unang liham, humingi ng tulong sa Diyos si Villa dahil hindi siya makapasok bunsod ng kaniyang takot sa kaniyang trabaho bilang hepe ng Bids and Awards Committee (BAC) ng komisyon.
Pinaka-pinangangambahan ni Villa ay ang maipatawag ng Commission on Audit (COA) dahil sa mga maanomalyang kontrata na ipinrisenta sa isang audio-visual presentation na pinagawa mismo ni chairman at CEO Jose Vicente Salazar.
Gayunman, sinabi ni Villa sa kaniyang liham na kahit pa hindi na siya komportable sa kaniyang trabaho, hindi pa siya makapag-resign dahil may mga utang pa siyang babayaran.
Dito na niya nabanggit na baka magpakamatay na siya dahil sa stress sa kaniyang trabaho.
Sa pangalawang liham, nabahala si Villa dahil kinailangan niyang mag-file ng sick leave sa trabaho, bunsod ng kaniyang takot at nararamdamang pressure sa trabaho.
Pinlano pa ni Villa na ituloy pa ang sick leave niya para lang maiwasan ang planning session noong August 26 kasama si Salazar.
Sa pangatlo at huling liham, inihayag niyang pakiramdam niya na sine-set up siya upang magkamali, ngunit napanatag rin siya nang isang “E.D.” ang lumagda sa mga “Iloilo contracts.”
Aniya pa, kaya pa naman niyang pumasok dahil mas “psycholigical and moral rather than physical” ang kaniyang nararamdaman.
Dito, sinabi na ni Villa na nais niyang barilin ang sarili sa sentido gamit ang cal. .38 Smith and Wesson na baril ng kaniyang ama.
Pagdating ng November 4 ay naghain na ng application for early retirement si Villa sa ERC at ang kaniyang idinahilan ay ang lagay ng kaniyang kalusugan.
Limang araw matapos niyang gawin ito, nagpakamatay na si Villa sa parehong paraan na binanggit niya sa kaniyang huling liham.
Samantala, nabahala naman si Salazar sa mga pahiwatig ni Villa sa kaniyang mga liham.
Ayon kasi sa kapatid ni Villa na si Charie Villa, nagpakamatay ang opisyal dahil sa pressure na aprubahan ang ilang mga maanomalyang kontrata at pagtanggap ng mga consultants nang hindi dumadaan sa tamang proseso.
Dahil dito, ipinangako naman ni Salazar na para kay Villa at sa kanilang opisina, paiimbestigahan nila ang nasabing mga alegasyon upang mabigyang linaw ang mga isyu.