Ayon kay MMDA Chairman General Manager Thomas Orbos, pinakabagong solusyon ay ang pagbubukas ng Camp Aguinaldo sa mga pribadong sasakyan.
Ani Orbos, simula sa susunod na linggo, papayagan na ang mga motorista na daanan ang loob ng Camp Aguinaldo para makabawas sa traffic sa mga pangunahing lansangan.
Inaasahan ng MMDA na makikinabang dito ang mga motorista na galing sa Katipunan at Whiteplains.
Ang Camp Aguinaldo ay mayroong lusutan sa EDSA, Santolan Road, Katipunan at Whiteplains sa Quezon City.
Pero para na rin sa seguridad sa loob ng kampo, kinakailangang kumuha ng stickers ng mga motorista na nais makadaan sa loob.
Ayon kay Orbos, simula sa Lunes ay maari nang mag-apply ng stickers ang mga motorista at tatagal ang application sa loob ng isang linggo.
Nilinaw naman ng MMDA na ngayong Christmas season lamang papayagan ang pagpasok ng mga motorista sa Camp Aguinaldo.