Cagayan River patuloy sa pagtaas dahil sa pag-ulan, 26 bayan binalaan sa pagbaha

File Photo via Baggao Police
File Photo via Baggao Police

Dahil sa malakas na pag-ulan na nararanasan simula pa kahapon hanggang ngayong araw, tumaas na ang tubig sa Cagayan River na maaring magulot ng pagbaha sa maraming bayan sa Cagayan at Isabela.

Sa abiso ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council, nakapagtala na ng pagtaas ng tubig sa Ganano, Magat at Siffu River at nagbabadya ang pagbaha sa mga mabababang lugar sa mga bayan ng Echague, Jones, Angadanan, Alicia at Cauayan sa lalawigan ng Isabela.

Siyam na bayan pa sa Isabela ang posible ring bahain partikular ang Naguilian, Gamu, Ilagan, Tumauini, Delfin Albano, Sto. Tomas, Cabagan, StaMaria at San Pablo dahil sa pagtaas ng tubig sa Pinacanauan River.

Samantala sa lalawigan naman ng Cagayan, labingtatlong bayan ang nanganganib na bahain.

Batay sa flood advisory, apektado din ng pagtaas ng tubig sa Pinacanauan River ang mabababang lugar sa Tuguegarao City, Enrile, Tuao, Solana, Iguig, Amulung, Alcala, Gattaran, Lallo, Lasam, Baggao, Camalaniugan at Aparri.

Payo ng lokal na pamahalaan sa mga residente ng mga nabanggit na bayan, mag-antabay sa posibleng patuloy na pagtaas ng tubig sa ilog.

Nakaalerto na rin ang mga tauhan ng PDRRMC sa Cagayan at Isabela kung saka-sakaling kailanganin na magpatupad ng karampatang aksyon.

 

 

Read more...