Dalawang supplier ng ecstasy, arestado sa BGC sa Taguig

Kuha ni Jong Manlapaz
Kuha ni Jong Manlapaz

Naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Bonifacio Global City sa Taguig ang dalawang suspek na hinihinalang supplier ng ecstasy kaninang madaling araw.

Nakilala ang mga nadakip na sina Jennifer Vitanzos at Rene Rabano na tatlong buwang minanmanan ng mga otoridad.

Aabot sa sampung piraso ng ecstasy ang nasabat sa dalawa na nagkakahalaga ng halos sampung libong piso

Ayon kay Police Chief Inspector Gerry Amindalan, hepe ng Station Anti-Illegal Drugs ng Taguig City police, may mga kasabwat umanong dayuhan ang dalawa na pinakukuhanan nila ng droga.

Isang asset ng pulisya ang nagpanggap na bibili ng labing isang piraso ng ecstasy sa dalawa na nagkakahalaga ng P9,900.

Pero sampung piraso na lang ang nakuha sa mga suspek dahil nilunok ni Rabano ang isa.

Ani Amindalan, P1,300 ang street value ng ecstasy pero natawaran pa ito ng kanilang poseur buyer sa P900 kada isa.

Matapos madakip nagturuan ang dalawang suspek at sinabi ni Rabano na ipinahawak lang sa kaniya ni Vitanzos ang mga party drug.

Sa huli, umamin pa si Rabano na noong Forever Summer Concert sa MOA Pasay City kung saan may mga nasawi dahil sa party drugs ay nag-take din siya ng ‘green amore’.

Patuloy na iimbestigahan ang dalawang suspek para sa iba pa umanong sangkot sa pagbebenta ng party drugs sa mga high end bars sa Taguig at Makati.

 

 

Read more...