Ayon kay Senador Bam Aquino, bahagi ng hinihiling ni UN Special Rapporteur on extrajudicial killings Agnes Callamard ay ang mabigyan siya ng malayang pagkakataon upang maimbestigahan ang mga napapabalitang EJK’s sa bansa.
Dagdag pa ni Sen. Aquino, bahagi rin ng kondisyon ni Callamard ay ang matiyak sa kanya ng gobyerno ng Pilipinas na makakilos at makalibot sa alinmang bahagi ng bansa upang makapanayam nang walang hadlang ang mga saksi sa mga umano’y EJK’s.
Hiling din nito, pahintulutan siyang gumalaw nang hindi pinipigilan ng sinuman at makapanayam rin ang mga opisyal ng gobyerno at mga miyembro ng media.
Ayon sa Senador, isang inter-agency body na ang binuo upang talakayin ang mga kondisyon na inilatag ng UN Rapoorteur.
Matatandaang inimbitahan ni Pangulong Duterte ang UN upang magsagawa ng imbestigasyon sa istilo ng kanyang paglutas sa problema sa droga sa bansa.
Gayunman, isa sa kondisyon ni Duterte sa bibisitang kinatawan ng UN, ay ang payagan siyang maka-debate at makapagtanong din dito.