Pinaalis na ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang tatlong opisyal ng Department of Transportation o DOTr dahil sa umano’y palpak nilang trabaho.
Sinabi ni Alvarez na ang DOTr officials na dapat masibak sa pwesto ay sina Undersecretary Noel Eli Kintanar, Assistant Secretary for Legal Affaires Raoul Creencia at Assistant Secretary for Air Bobby Lim.
Dismayado si Alvarez sa mga nabanggit na opisyal pati na kay DOTr Secretary Arthur Tugade.
Katwiran ng Speaker, ang naturang team ni Tugade ang dahilan kung bakit naaantala ang mga proyekto na makakatulong sana na maibsan ang problema sa transportasyon.
Mistulang dini-dribble din ng tatlong opisyal ang mga proyekto dahil naghihintay pa ng emergency powers na igagawad ng Kongreso.
Paalala ni Alvarez kay Tugade, dapat nitong sagutin ang kapalpakan ng mga tauhan nito.
Naniniwala naman ang Lider ng Kamara na ang kabiguan ni Tugade na makalusot sa Commission on Appointments ay dahil sa pagkadismaya sa kanya ng publiko.