Handa na ang Social Security System (SSS) na ibigay ang pension hike para sa mga retirado nilang miyembro kahit sa buwan ng Enero.
Pero hirit ng SSS, isang libong piso na lang muna ang ibibigay nilang dagdag sa unang limang taon at ang susunod na isang libong piso ay sa taong 2022 na ipagkakaloob.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni SSS Chairman, Dean Amado Valdez, sapat ang kanilang pondo sa ngayon para maibigay ang dagdag na one thousand pesos sa pensyon kahit hindi sila magpatupad ng dagdag sa kontribusyon sa mga miyembro.
Ang hiling lang nila sa kamara, sana ay pagbigyan ang apela nila na ang kalahati ng dagdag ay sa taong 2022 na lang ipagkaloob dahil kailangan nilang mai-invest muna ang pondo ng SSS.
Ito ay para matiyak aniya na magiging sapat ang kanilang pondo at hindi maaapektuhan ang mga miyembrong pa-retiro pa lamang.
Kumpiyansa si Valdez na bukas ang isipan ng mga mambabatas at pakikinggan sila pagdating sa plenaryo.
Mas mainan aniya ngayon, na ang pamunuan ng SSS ay naghahanap ng ibang opsyon para maibigay ang panukalang dalawang libong pension hike, kaysa naman noong nakaraan na talagang iginigiit ng SSS na hindi ito kayang ipagkaloob.