Sa December 5, 2016 na nakatakdang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order na magpapatupad ng nationwide firecracker ban.
Ayon kay Department of Health (DOH) Sec. Paulyn Jean Rosell-Ubial, nasa lamesa ni Pangulong Duterte ang EO at noon pa man ay suportado na nito ang pagpapatupad ng ban.
Katunayan sa Davao City ay umiiral ang ban sa firecrackers dahil sa kautusan ni Duterte noong siya ay alkalde pa ng lungsod.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng Malakanyang na pinag-aaralan na ng mga concerned agency ang EO para matukoy ang epekto nito sa mga manggagawa.
Iginiit naman ni Ubial na ang EO na nakatakdang lagdaan ng pangulo ay hindi “total ban” sa firecrackers.
Sa ilalim ng nasabing EO magkakarong regulasyon para matiyak ang kaligtasan ng komunidad sa paggamit ng paputok o pailaw.
Ani Ubial, pwede pa ring gumamit ng direcracker pero hindi sa bahay-bahay kundi sa community-controlled areas.
Hindi aniya ito magreresulta sa paghinto ng produksyon ng firecrackers o pagsasara ng mga pagawaan nito.
Katunayan ang mga pyrotechnics o pailaw gaya halimbawa ng ‘luces’ ay papayagan pa din naman na magamit ng publiko.