Ang nasabing dokumento ay may kaugnayan sa transaksyon ng ilegal na droga sa New Bilibid Prisons (NBP) at kabilang sa record na matagal nang hinihingi ng NBI sa AMLC ay ang mga bank transactions na maaring makapag-uugnay kay Senator Leila De Lima sa drug transactions.
Kahapon sa kaniyang talumpati sa anibersaryo ng NBI, binanatan ni Duterte ang AMLC dahil ilang buwan nang hinihingi ng NBI ang dokumento pero hindi nito ibinibigay.
Pero sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na dalawang oras matapos ang speech ni Duterte kahapon, agad na natanggap ng NBI ang dokumento.
Ang nakapagtataka pa ayon kay Aguirre, tila matagal nang handa ang dokumento dahil naka-blangko ang petsa nito at sinulatan lamang ng number “11” sa date.
“After ng speech kahapon ni Pangulong Duterte, after two hours, ipinadala na ng AMLC sa NBI (‘yung documents), blank nga ang date eh, November _____, 2016, nilagyan lamang nila ng “11” sinulatan lang ng ballpen, parang matagal na pang naka-ready ‘yung report,” ani Aguirre.
Sinabi ni Aguirre, na dalawang buwan na ang nakararaan nang hingin nila ang dokumento sa AMLC, pero walang natanggap na tugon ang NBI, kaya isinampa na lamang ng NBI ang kaso laban kay De Lima at iba pang indbidwal nang walang kalakip na report mula sa AMLC.
“‘Yung first request ng NBI sinagot ‘yun agad ng AMLC, ‘yung second, two months ago nang ipinadala sa kanila walang binibigay na sagot,” paliwanag ni Aguirre.
Sinabi ni Aguirre na sobra-sobra na sila sa testimonial evidence para masuportahan na talagang may nagaganap na transaksyon ng ilegal na droga sa Bilibid, dahil sa pahayag ng mga high-profile inmate sa imbestigasyon ng house justice committee.
Pero mahalaga aniya na mayroon silang sapat na documentary evidence at iyon ang dahilan kaya humihiling sila ng report mula sa AMLC.
Ani Aguirre, ang report na hiningi nila sa AMLC ay susuporta sa pahayag ng mga preso na nagta-transact sila ng illegal drugs sa loob at labas ng Bilibid at may mga pinagdadaanang bank accounts ang perang napagbebentahan ng droga.