Dalawang biktima ng summary executions ang namataan sa kahabaan ng Diokno Boulevard, Pasay City kagabi.
Pawang mga nakagapos ng packaging tape ang mga kamay ng dalawang lalaki at may nakasaklob rin na plastik sa kanilang mukha habang na nakahandusay sa gutter sa tabi ng kalye.
Dalawa umanong sasakyan ang nakitang huminto sa gilid ng Diokno Blvd., bago natagpuan ang mga bangkay.
Sa pagdating ng mga pulis, isa pa lamang ang nakitang bangkay ngunit nang mailawan ng mga camera ng media ay isa pang bangkay ang nakitang nakasiksik sa ilalim ng mga halamanan.
Ayon sa isang tanod ng Barangay 76 na si Rolly Plazo, isang construction worker ang nag-ulat sa kanilang barangay outpost na nakita niya ang isang bangkay sa tabing-daan.
Aminado naman si Plazo na nagiging tapunan na ng bangkay ang bahaging iyon ng Diokno Blvd. dahil sa dilim ng daanan.
Ilang beses na rin na may itinapong bangkay sa nasabing lugar na pawang biktima ng mga summary executions.
Isa aniya sa nakikitang solusyon ng barangay dito ay ang malagyan ng ilaw ang naturang lugar upang hindi na pagtapunan ng mga bangkay.