16 na pulis sa Colombia, patay sa pagbagsak ng isang helicopter

colombuiaPatay ang labinganim na Colombian police officers nang bumagsak ang sinasakyan nilang Black Hawk helicopter habang nagsasagawa ng manhunt sa isang suspek na itinuturing na most-wanted drug trafficker.

Maliban sa mga nasawi, dalawa pang uniformed personnel ang kritikal ang kondisyon at ginagamot matapos magtamo ng matinding sunog sa katawan.

Ang sama ng panahon sa Colombia ang sinasabing dahilan ng pagbagsak ng chopper sa bahagi ng Gulf Uraba na pinaniniwalaang pugad ng mga drug traffickers at kanlungan ng mga rebelde.

Ngunit sa inilabas ng pahayagang “El Tiempo” na transcript ng cockpit recording ng bumagsak na aircraft, lumabas na may bumaril sa helicopter.

Isang hindi pa nakikilalang pinagmulan ng boses ang nagsabing binaril ang chopper gamit ang homemade mortar.

Ayon kay Columbian Defense Mister Luis Carlos Villegas, hindi naman nila inaalis ang posibilidad na inatake nga ang nasabing chopper, gayunman, kung totoong binaril ito, dapat ay narinig at nalaman agad ng mga sakay ng dalawa pang chopper na noong panahon na iyon ay kasali sa isinasagawang manhunt.

Ang lider ng Colombia’s most violent drug-smuggling gang na si Dairo Otoniel Usaga ang target ng isinasagawang manhunt nang bumagsak ang Black Hawk. Si Usaga ay maroong patong na $5 million sa kaniyang ulo. / Dona Dominguez-Cargullo

Read more...