Pagsibak sa pwesto kay Senator Joel Villanueva, iniutos ng Ombudsman kaugnay sa PDAF scam

Joel Villanueva | Inquirer File Photo
Joel Villanueva | Inquirer File Photo

Ipinag-utos ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pagsibak sa pwesto kay dating CIBAC party list representative, at ngayon ay Senator Emmanuel Joel Villanueva.

Ito ay makaraang mapatunayan ng Ombudsman na guilty ang senador sa Grave Misconduct, Serious Dishonesty and Conduct Prejudicial to the Interest of the Service at siyam na iba pa dahil sa maling paggamit sa kaniyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2008 na siya ay kon gresista pa.

Inirekomenda na rin ng Ombudsman na maisailalim si Villanueva sa paglilitis ng Sandiganbayan para sa mga kasong dalawang bilang ngpaglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019), Malversation of Public Funds at Malversation thru Falsification of Public Documents.

Kasama ring kinasuhan ng Ombudsman sa anti-graft court sina dating Department of Agriculture (DA) Secretary Arthur Yap, staff ni Villanueva na si Ronald Samonte, DA employee Delia Ladera, NABCOR representatives Alan Javellana, Romulo Relevo, Ma. Julie Villaralvo-Johnson, Rhodora Mendoza, at Maria Ninez Guanizo; at si Aaron Foundation Philippines, Inc. (AFPI) President Alfredo Ronquillo.

Sa imbestigasyon ng Ombudsman noong June 10, 2008, inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ng P10million na bahagi ng PDAF nni Villanueva para sa agri-based livelihood projects sa ilang congressional districts sa Region XI.

Noong June 12, 2008, hiniling ni Villanueva kay Yap na mai-release ang nasabing halaga sa National Agri-business Corporation (NABCOR) bilang implementing agency (IA) habang ang AFPI ang naging NGO-partner nito.

Nakasaad sa proyekto na gagamitin ang nasabing halaga ng PDAF sa pagbili ng seedlings ng pechay, radish, sitaw, okra, hybrid yellow corn, liquid fertilizers at threshers mula sa MJ Rickson Trading Corporation at ang mga residente sa Pantukan, Nabunturan, Tambongon, Bongabong, Napnapan, Mipangi, Anislagan at Magsaysay sa Compostela Valley province ang magbebenepisyo dito.

Pero sa imbestigasyon, napatunayan ng Ombudsman na ang lokasyon para sa proyekto ay hindi angkop sa farming projects dahil mayorya ng mga lupain ay sakop na ng banana at coconut plantations; wala sinuman sa mga nasa listahan ng beneficiaries ang registered voter o residente sa lugar; at kinumpirma mismo ng mga lokal na opisyal na walang agri-based livelihood projects na naipatupad ang AFPI.

Napatunayan din na ang mga respondent ay nagsumite ng pekeng mga dokumento para masuportahan ang kanilang “ghost project”.

 

Read more...