Traffic sa Rodriguez, Rizal inirereklamo ng mga motorista; dating 15-mins na biyahe umaabot ng 2-3 oras

FB Photo via Alfred Dinampo and Jhoane Palma
FB Photo via Alfred Dinampo and Jhoane Palma

Walang pinipiling oras ang matinding traffic na nararanasan ngayon ng mga residente sa Rodriguez Rizal na palabas at galing sa Quezon City.

Ito ay dahil sa road construction sa Don Mariano Avenue sa Barangay San Jose na proyekto ng lokal na pamahalaan.

Ang nasabing kalsada ang tanging pangunahing lansangan na dinaraanan ng mga pampasaherong jeep na biyaheng Litex at Commonwealth, Market sa Quezon City.

Gayundin ng mga UV Express na patungo ng SM North EDSA at Trinoma.

Marami ring pribadong sasakyan na dumaraan sa lugar dahil sa nasabing bahagi ng Rodriguez matatagpuan ang mga matataong relocation areas gaya ng Erap City at Kasiglahan Village at marami pang pribadong subdivision.

Ang nasabing kalsada din ang pangunahing daanan ng mga pampubliko at pribadong sasakyan na magtutungo sa Rodriguez Town proper.

Mula nang umpisahan ang proyekto noong nakaraang linggo ang road construction sa bahagi ng Don Mariano Avenue sa nasabing barangay, kahit madaling araw ay inaabot ng matinding traffic ang mga motorista.

FB Photo via Pauline Sapanza

Ayon sa post ng isa sa mga netizen, umalis sila ng alas 4:00 ng umaga ngayong Lunes sa Quezon City dahil alam nila na matindi ang traffic na dadatnan sa Rodriguez, Rizal, gayunman, pagdating sa bahagi ng Don Mariano Avenue, matinding traffic pa rin ang kanilang inabutan.

Ang biyahe sa layong 2 hanggang 3 kilometero lamang ay inaabot ng hanggang dalawang oras.

Ang ibang apektado, sinabing may pagkakataon na inaabot sila ng limang oras sa lansangan bago makauwi.

Ang mga estudyante at mga manggagawa ay patuloy na kinakalampag sa social media ang lokal na pamahalaan dahil apektado lagi silang late sa klase at trabaho.

May mga residente din ang napipilitan nang sumakay ng balsa para tumawid sa ilog bilang alternatibong ruta, sa halip na mag-jeep o sumakay ng tricycle upang makaiwas sa traffic.

Gayunman, sa ganitong panahon lamang na bihira ang pag-ulan nagagamit ang nasabing balsa, dahil kapag umuulan ay tumataas ang tubig sa ilog at lumalakas ang agos.

Ayon sa facebook post ni Arnel De Vera, executive assistant 3 sa tanggapan ni Rodriguez Vice Mayor Tom Hernandez, bago sumapit ang Pasko ay target nilang matapos ang pagkukumpuni sa kalsada.

Humihingi din ng paumanhin at pang-unawa ang lokal na pamahalaan sa mga motorista.

Ayon naman kay Rodriguez Coun. Roger Frias, bilang pansamantalang solusyon, magpapatupad ng re-routing sa mga sasakyan na galing sa Payatas Area, patungo sa Rodriguez.

Kabilang sa ipatutupad na pagbabago ang sumusunod:

1. Lahat ng patungong Montalban ay mag RIGHT TURN patungong E.Rodriguez Hwy upang tuloy tuloy ang daloy ng trapiko

2. Ang mga papuntang Amityville,Suburban at San Isidro na pribado,auv at puj ay mag-uturn bago mag tulay ng San Jose at mga heavy equipment truck naman ay mag uturn paglampas ng Dao St.

3. Tayo ay makikipagugnayan sa MWSS para posibleng gawing alternate road ang ACCESS ROAD na gawing papasok at palabas ang mga residente ng Suburban at San Isidro para umiwas sa mga ginagawang kalsadahan.

Sa huli pinayuhan ng lokal na pamahalaan ang mga motorist na magkaroon ng disiplina sa kalsada upang mabawasan ang lalo pang pagbuhol-buhol ng trapiko.

Read more...