Dapat na umanong resolbahin ng Department of Transportation o DOTr ang problema sa masikip na daloy ng trapiko…may special power man o wala.
Ito ang hamon ng naiinip nang grupo ng transportasyon at commuter kay DOTr Secretary Arthur Tugade.
Giit nina Efren de Luna, National President ng Alliance of Concerned Transport Organizations at Jessie Santos, National president ng Public Commuters Motorists Alliance o PC-MA, hindi na dapat pang hintayin ni Secretary Tugade ang special powers bago solusyunan ang suliranin sa traffic.
Ayon kay De Luna, panahon na para bigyang-lunas ang perwisyong dulot ng traffic sa Metro Manila, mga probinsiya at mga munisipalidad.
Para kina Santos at de Luna, na kay Tugade na ang lahat ng options para mabilis na resolbahin ang traffic kahit wala ang sinasabi nitong special powers.
Pagtiyak ni de Luna na susunod ang mga nasa transport sector sa mga polisiya na ipatutupad ng gubyerno kung ano ang dapat para ma-solusyunan ang traffic dahil silang nasa public transport ang apektado lalo na ang kita ng mga public utility vehicle o PUVs.
Inayunan naman ni Santos ang pahayag ni De Luna sa pagsasabing malaking ginhawa sa mga commuter o mananakay ang kaluwagan sa daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan lalu na tuwing rush hour.