Ikalawang linggo ng 2016 Bar Examinations sa UST, sinabayan ng kilos protesta laban sa Marcos hero’s burial

marcos 3
FILE PHOTO

Nagpapatuloy ang mga kilos protesta laban sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Kasabay ng ikalawang linggo ng 2016 Bar Examinations, nagsagawa ang ilang grupo na kontra sa Hero’s burial ni Marcos ng pagtitipon sa harapan ng University of Santo Tomas.

Pinangunahan ni Bayan Muna partylist Rep. Carlos Isagani Zarate at dating Bayan Muna representative Neri Colmenares ang nasabing kilos protesta na tinawaga na “Black to Block” campaign kasama ang National Union of People’s Lawyers.

Ayon kay Zarate, hinihimok nila ang future lawyers na pag aralan ang naging desisyon ng Korte Suprema kung saan binigyang daan na ang paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Dagdag ng kongresista, isinumite na niya ang House Resolution No. 197 na haharang sa nasabing Hero’s burial sa namayapang diktador.

Samantala, nanawagan naman si Colmenares sa Mataas na Hukuman at kay Pangulong Rodrigo Duterte na pansamantalang suspindehin ang paglilibing kay Marcos hanggang sa maresolba na ang inihaing motion for reconsideration.

Hindi aniya magiging katanggap-tanggap kung hindi susunod ng Korte Suprema at si Pangulong Duterte sa due process.

Mahigit anim na libong at walong daang law graduates ang kukuha ng Bar Exams ngayong taon sa UST campus sa apat na linggo ng Nobyembre.

Read more...