Sison kay Duterte: Huwag mong duraan ang libingan ng mga tunay na bayani

joma-duterte-0510
Inquirer file photo

Pinayuhan ni Communist Party of the Philippines (CPP) Founding Chairman Jose Maria Sision si Pangulong Rodrigo Duterte na pag-aralang mabuti ang kanyang desisyon na payagang ihimlay sa Libingan ng mga Bayani ang mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Sison na mistulang dinuruan ang puntod ng mga tunay na bayani ng bansa dahil sa nasabing kautusan ni Duterte.

Ipinaliwanag rin ni Sison na kung talagang leftist o maka-kaliwa si Duterte tulad ng kanyang mga pahayag ay hindi niya papayagang mapabilang sa listahan ng mga bayani ng bansa si Marcos.

Ipinaalala rin ni Sison sa pangulo ang mistulang pagbalewala ng pamahalaan sa naging sakripisyo at hirap ng mga biktima ng torture, karahasan at kamatayan noong panahon ng diktadurya.

Binatikos rin ng lider ng CPP ang umano’y ginagawang pagbabago sa pagtuturo ng mga asignatura sa mga paaralan ng tunay na kasaysayan ng batas military sa bansa.

May mga hakbangin umano ang ilang mga grupo para pabanguhin ang pangalan ng mga Marcoses na taliwas sa mga naganap noong panahon ng dating strong man.

Malinaw rin ayon kay Sison na ang pagpayag ni Duterte na mailibing sa LNMB ang dating pangulo ay bilang kabayaran sa political at financial contributions ng pamilya Marcos noong nakalipas na eleksyon.

Sinabi rin ni Sison na dapat ay maging mapagbantay ang sambayanan sa mga plano ni Duterte sa mga labi ni Marcos dahil muli itong magpapa-alala sa madilim na kasaysayan ng bansa sa ilalim ng batas military.

Read more...