Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na sumulat na siya ng liham kay PNP Chief Dir. Gen. Bato dela Rosa na ibigay na lamang muna si Espinosa sa NBI habang inaalam pa kung kwalipikado itong isailalim sa Witness Protection Program (WPP).
Matatandaang nasawi ang kaniyang ama na si Albuera Mayor Rolando Espinosa sa isinagawang raid ng mga pulis noong November 5.
Gayunman, desidido rin ang PNP na ilagak sa kanilang kustodiya si Kerwin dahil una nang nagpahayag si Dela Rosa na babantayan itong maigi.
Una nang inamin ni Dela Rosa na nagkaroon sila ng pagkukulang kaya nasawi ang alkalde, kaya naman babawi siya sa pamilya nito at titiyakin ang kaligtasan ni Kerwin pagdating sa bansa.
Dahil dito, hihilingin ni Dela Rosa sa korte na naglabas ng arrest warrant laban kay Kerwin na dalhin na lang ito sa Camp Crame kung saan mababantayan niya ang seguridad nito.
Sinimulan na rin ng NBI ang pagsasagawa ng parallel investigation sa mga naganap sa pagkasawi ng alkalde.
Paliwanag pa ni Aguirre, mismong si Kerwin rin ang nagsabi ng kaniyang intensyon na maisailalim sa WPP, ngunit para mangyari ito, kailangan muna niyang magbigay ng affidavit.
Pagkatapos nito ay sisiyasatin pa ang nasabing affidavit upang matukoy kung kwalipikado nga ba siyang isailalim sa WPP.
Oras na maaprubahan ito, isasailalim na sa WPP si Kerwin at ang kaniyang pamilya.