Handa ang isang mamamahayag na naka-base sa Tacloban City na humarap sa Senado at tumestigo tungkol sa nangyaring operasyon ng mga pulis sa piitan ni Albuera Mayor Rolando Espinosa, na nag-resulta sa kaniyang pagkasawi.
Ayon kay Eulogio Caorte na reporter ng dyBR (Kaugob Radio), nasa loob siya ng compound ng naturang sub-provincial jail at nasa labas lang siya ng main building nang maganap ang raid pasado alas-3 ng madaling araw noong November 5.
Nang dumating aniya ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang iproseso ang pinangyarihan ng krimen, nakalapit pa siya sa katawan ni Espinosa, ngunit wala naman siyang nakitang armas.
Ani Caorte, sasabihin lang niya kung ano ang kaniyang nalalaman, dahil naroon lang naman siya para i-cover ang nasabing operasyon at wala nang iba.
Dahil dito, ipapatawag ng Senate committee on public order and dangerous drugs si Caorte sa susunod na pagdinig kaugnay sa pagpatay kay Espinosa.
Noong Huwebes lang ay tumestigo na si Chief Insp. Leo Laraga na pinuno ng team ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-8) sa pagdinig ng Senado.
Ayon pa sa testimonya ni Laraga, mapatutunayan ni Caorte na walang iregularidad sa kanilang operasyon.
Ibinahagi naman ni Caorte sa Inquirer na inimbitahan siya noon ng CIDG-8 para i-cover ang kanilang operasyon ngunit hindi naman sinabi kung sino ang pakay ng mga ito.
Ani Caorte, bahagi siya ng team ngunit hindi naman siya bahagi ng operasyon, at ang tanging alam lang niya ay maghahain lang ng search warrant ang CIDG.
Nalaman lang ni Caorte kung saan aniya sila pupunta nang huminto sila sa may opisina ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Baybay, na malapit sa sub-provincial jail.
Nang pumasok aniya ang CIDG sa pasilidad, pinigilan siya ni Laraga na makapasok sa mismong gusali.
Ilang minuto lang aniya matapos silang dumating sa pasilidad, nakarinig na si Caorte ng mga putok ng baril, na sinundan ng komosyon at ilan pang putok ulit ng baril.
Saka na lamang niya nalaman na ang pakay pala ng CIDG ay sina Mayor Espinosa at ang kapwa nito inmate na si Raul Yap.
Dagdag pa ni Caorte, bagaman alam niyang si Espinosa ay doon naka-piit, wala naman siyang ideya na ang alkalde pala ang pakay nila.