Nakapasok na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Soudelor na ngayon ay tatawagin ng Hanna ngunit ang direksiyon nito ay sa eastern section ng Taiwan.
Alas siyete ng umaga nakapasok ng bansa ang bagyong Hanna at nasa kategorya pa lamang ito na typhoon at hindi pa isang super typhoon batay sa lakas nito na 215 kilometers per hour.
“Hindi magla-landfall ang bagyong Hanna pero maaaring magtaas ng warning din sa extreme Northern Luzon,” ayon kay Aldczar Aurello, weather forecaster ng PAGASA.
Magtatagal ng tatlong araw sa PAR ang bagyong Hanna.
Malakas ang magiging epekto nito sa habagat lalo na sa western section na tulad ng Zambales, Palawan at Zamboanga.
Tumama man ito o mag-landfall sa Taiwan ay makakaranas pa rin ng malakas na pag-ulan hanggang araw ng Martes ngunit may paghina na ng pag-ulan at hangin pagdating ng Miyerkules.
May posibilidad na bumaba ang bagyo at maitulak pababa at makaapekto sa Northern Luzon.“Puwedeng yumuko dahil sa pressure area, ngunit as of now, papuntang Taiwan talaga ang direksiyon at wala pang indicators” paliwanag ni Aurello.
Ang bagyong Hanna ay una ng sinabi ng US Joint Typhoon Warning Center (JTWC) sa Honolulu na magiging isang super typhoon.
Ito na ang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taong 2015 ayon sa JTWC. Sa datos ng JTWC, ang bagyong Soudelar ay mayroon ng lakas ng hanging aabot sa 220 kilometers kada oras at pagbugsong aabot sa 354 kilometers kada oras.
Ayon sa JTWC, malakas ang hanging dala ng bagyo at itinaas na nila sa Category 5 ang rating nito. Pero inaasahang bababa ito sa Category 4 o 3 kapag tumama na sa Japan, Taiwan at China sa Huwebes./Gina Salcedo