Sa kanilang dalawang pahinang resolusyon, partikular na hiniling ng makabayan bloc sa liderato ng kamara na atasan ang house committee on public order and safety at committee on justice na magsagawa ng imbestigasyon.
Sa kanilang House Resolution 539, iginiit ng mga kinatawan ng Bayan mMuna, Kabataan, Anakpawis, Act-Teacher, at Gabriela na ang pagkamatay ni Espinosa habang nasa loob ng government facility ay makakasira sa kampanya ng gobyerno kontra droga.
Ito ay dahil malalagay sa alanganin ang integridad ng Philippine National Police o PNP.
Kaya naman payo ni Act Teacher PL Rep. Antonio Tinio sa Duterte administration na linisin muna ang hanay ng pulisya.
Hindi naman kasi aniya lalawak ang drug trade sa bansa kung wala ring proteksyon mula sa mga pulis na nalalantad ngayon.
Matatandaan noong madaling araw ng Nobyembre 5 ay nauwi sa pagkamatay nina Espinosa at Yap ang pagsisilbi lang sana ng search warrant ng CIDG region 8 laban sa dalawa.
Inaakusahan si Espinosa na may mga armas at drugs umano sa loob ng kanyang selda.