Asawa ni Veloso, tumestigo sa korte laban sa mga recruiters

mary-jane-velosoHumarap kahapon ang asawa ni Mary Jane Veloso sa isang sa korte sa Nueva Ecija kung saan niya positibong tinukoy ang mga recruiters ng kaniyang misis na nakulong sa Indonesia dahil sa pagdadala ng heroin.

Isinalaysay ni Michael Candelaria sa Baloc Regional Trial Court Branch 88 kung paano ni-recruit ng mag-live in partner na sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao si Veloso para maging domestic helper sa Malaysia.

Ayon pa kay Candelaria, nagbayad sila ng P20,000 kina Sergio at Lacanilao para sa pamasahe, at na inihatid pa niya ang dalawa, kasama si Veloso noong April 22, 2010 sa sakayan ng bus sa Talavera, Nueva Ecija paluwas ng Maynila.

Matatandaang naaresto si Veloso noong April 2010 sa Yogkarta Airport matapos madiskubre ng mga otoridad ang 2.6 kilo ng heroin sa kaniyang maleta.

Nakarating sa Indonesia si Veloso dahil nang dalhin umano siya ni Sergio sa Malaysia, wala na daw ang papasukan niyang trabaho kaya inatasan siya ng mga ito na magdala ng isang maleta sa Indonesia.

Nakatakda na sanang ma-firing squad si Veloso sa Indonesia noong nakaraang taon ngunit napigilan ito para mapayagan siyang tumestigo sa kasong isasampa laban sa kaniyang mga recruiters dito sa Pilipinas.

Nakatakdang ipagpatuloy ni Candelaria ang kaniyang testimonya sa December 15.

Samantala, inilabas na rin ng korte ang isang resolusyon na nagbabasura sa motion for reconsideration na inihain ng Public Attorneys Office sa ngalan nina Sergio at Lacanilao.

Dahil dito, mas mabibigyan ng pagkakataon si Veloso na maibigay ang kaniyang testimonya tungkol sa mga nangyari.

Read more...