Sa kaniyang separate concurring opinion, ipinaliwanag ni Brion kung bakit isa siya sa mga bumoto na payagan ang kontrobersyal na Marcos burial.
Ayon kay Brion, hindi mapagbibigyan ng Korte Suprema ang hiling ng mga petitioners dahil ang kanilang mga ipinrisentang isyu ay labas na sa kanilang judicial authority alinsunod sa batas.
Iginiit rin ni Brion na hindi siya naging insensitive sa mga dinanas ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Gayunman, nilinaw ni Brion na ang mga emosyon at paniniwala ng mga biktima ay hindi dapat maka-impluwensya sa tapat niyang pagganap sa kaniyang tungkulin bilang miyembro ng Korte.
Ito aniya ang dahilan kung bakit ang sumisimbolo sa Korte ay isang babaeng naka-piring ang mata na may hawak na timbangan.
Ibinabase ng Korte ang desisyon sa sa batas at ebidensya, at hindi sa kung sino ang nililitis o kung anumang dahilang pulitikal o emosyonal ang nakaugnay sa kanila.
Bagaman puno aniya ng emosyon ang petisyong ito, wala naman itong ipiniprisintang kaso na kailangan ng paggamit ng kapangyarihan ng judicial review.
Dahil dito, hindi nila dapat at maaaring palawaking ang kanilang hurisdiksyon para pagbigyan ang petisyong ito.
Si Brion ang isa sa siyam na huwes na pumayag sa pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga bayani, kasama nina Associate Justices Presbitero Velasco Jr, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Mariano del Castillo, Jose Perez, Teresita de Castro, Jose Mendoza, at Estela Perlas-Bernabe.