Nagdulot ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko sa kahabaan ng East Avenue, Quezon City ang mga na-impound na sasakyan.
Dahil kasi sa walang paglagyan, dalawang outer lanes ng East Avenue ang na-okupahan ng hindi bababa sa 20 colorum na sasakyan.
Ang nasabing mga sasakyan ay hinuli at inimpound ng mga tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Aminado naman ang LTFRB na hirap silang makahanap ng lugar na paglalagyan ng mga impounded vehicles lalo pa at sa kanilang isinasagawang mga operasyon, umaabot sa lima hanggang anim na sasakyan kada araw ang kanilang nahuhuli.
Kabilang sa mga na-impound na sasakyan ay pawang walang prangkisa, walang karampatang dokumento, o ‘di kaya ay peke ang gamit na plaka.
Hirap din ang mga may-ari na tubusin ang kanilang sasakyan dahil sa mahal ng multa.
Sa ngayon ang umiiral na penalty para sa mga nahuhuling colorum vehicles ay P6,000 para sa motorsiklo, P50,000 para sa pampasaherong jeep, P120,000 para sa kotse, P200,000 para sa van at P1 million para sa bus.
Nakikipag-ugnayan na ngayon ang LTFRB sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa paghahanap ng lugar na maaring magamit na impounding areas.