Ayon kay Prof. Clarita Carlos, isang political analyst, gaya ng mga Pilipino, ang mga botante sa Amerika ay maaring nagsawa na rin at naghangad ng pagbabago o bagong mamumuno.
Sinabi ni Carlos na hindi lamang naman sa Pilipinas o Amerika, kundi halos sa buong mundo ay naghahangad na ng pagbabago ang mga tao sa larangan ng pulitika.
“Parang tayo lang siguro, nainis na tayo, we wanted somebody new, fresh air, all over the world ganyan naman,” ani Carlos sa panayamn ng Radyo Inquirer.
Posible naman ayon kay Carlos na mapabuti pa sa Pilipinas ang pagkakahalal kay Trump lalo pa at ang bagong presidente ng Amerika at si Pangulong Durterte ay parehong diretsong magsalita at walang arte.
Hindi rin naman aniya basta maaring balewalain na lang ng magiging bagong pamahalaan ng Amerika ang mga umiiral nang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US gaya ng Mutual Defense Treaty at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Sa kabila naman ng tila pagkukumpara ng nakararami kina Trump at Duterte, sinabi ni Carlos na incomparable ang dalawang lider.
Aniya, si Trump ay bago sa pamamahala ng bansa dahil wala itong karanasan sa government service.
Hindi gaya ni Duterte na napakatagal na panahon na naging alkalde kaya malawak ang karanasan sa ehekutibo.