Marcos burial, insulto sa EDSA spirit ayon sa mga obispo

Georgegio Brondial/Inquirer

Mariing tinuligsa ng mga obispo at biktima ng martial law sa ilalim ng administrasyong Marcos ang desisyon ng Korte Suprema na payagang ihimlay sa Libingan ng mga Bayani si dating Pangulong Ferdinang Marcos.

Ayon kay Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas na pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), labis nilang ikinalungkot ang nasabing desisyon.

Isa rin aniya itong insulto sa EDSA spirit, at tila ginawang katatawanan ang demokrasyang ipinaglaban noon.

Hindi rin aniya isang bayani si Marcos kaya hindi siya dapat ituring na parang bayani.

Paliwanag ni Villegas, marami ang nagdusa dahil sa torture noong panahon ng martial law na idineklara ni Marcos, at maraming pamilya rin ang labis na naghirap habang nagpakasasa naman sa yaman ang kaniyang pamilya.

Hindi aniya nila malilimutan ang mga nangyari at hindi rin nila hahayaang kalimutan ito ng mga susunod na henerasyon upang hindi na maulit ang ganoong masaklap na sitwasyon.

Ayon naman kay Sorsogon Bishop Arturo Bastes, hinding hindi mawawala ang karahasang ipinaranas ni Marcos at ng kaniyang pamilya sa isip at puso ng libu-libong biktima ng martial law.

Samantala, nagsindi naman ng kandila ang mga estudyante sa University of the Philippines Visayas sa Miag-ao at West Visayas State University sa Iloilo bilang pag-protesta laban sa Marcos burial.

Read more...