‘Appropriate’ at ‘necessary’.
Ito ang naging tugon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naging pahayag ni Vice President Leni Robredo na ‘inappropriate’ at ‘tasteless’ ang komento kahapon ng pangulo sa kaniyang talumpati sa paggunita ng ikatlong anibersaryo ng Super Typhoon Yolanda sa Tacloban City.
Matatandaang nagbiro si Duterte kung paano niya tignan ang mga tuhod ni Robredo sa pagpupulong ng gabinete sa Malakanyang.
Inilarawan pa ng pangulo bilang isang ‘view’ ito sa tuwing nakasuot ng maikling palda ang bise presidente.
Pahayag ni Duterte, walang masama sa nasabi niyang ito. Kinuwestyon pa niya ang media, “So what’s the problem there? Why find an issue? Sexist? Lure? ‘dyan na naman ang media. Anong sasabihin ko, totoo naman?”
Dagdag ni Duterte, wala namang espesyal sa tuhod ng isang babaeng walang kalyo. “Ibig sabihin baka hindi nagsisimba,” sabi ng Pangulo.
Nang tanungin kung hindi ba nakakasakit o ‘offending’ ang komento ng Pangulo sa Bise Presidente, sinabi ni Duterte, “What’s wrong with the president? I do not stop being president just because I… I will do what I say, and I say what I do,” dagdag pa ng pangulo.
Naniniwala ang Pangulo na ang kanyang birong iyon ay wala lang, “unless umakyat ka sa tuhod hanggang dito. Then that would be an extreme, bad thing.”
Giit ng Pangulo, kinailangan niyang sabihin ito para patawanin ang mga tao sa okasyon matapos niyang magalit sa mabagal na rehabilitasyon ng mga nasalanta ng Yolanda.