Pagiging kongresista at hindi pagka-bise presidente ang pinag-iisipan ni Batangas Governor Vilma Santos na takbuhang posisyon.
Ito ang sinabi ng gobernadora nang makapanayam ng Radyo Inquirer.
“Hindi pa ito pinal”, paglilinaw ni Santos.
Ang gobernador ng Batangas ay nasa pagtitipon ng Liberal Party kanina at dito sinabi niyang sinuman ang maging vice presidential candidate ng Liberal Party ay buo ang kanyang magiging suporta.
Ang importante anya, sinuman ito, kailangang personal choice ni DILG Secretary Mar Roxas.
Sinabi ng gobernadora na mas magiging mainam kung ang kalihim ang pipili ng kanyang magiging running mate dahil importante ang teamwork sa maayos na pagpapatakbo ng Gobyerno.
Kapwa naman aniya may kakayahan sina Camarines Sur Rep. Leni Robredo at Sen. Grace Poe na maging ka-tandem ni Sec. Roxas.
“Bakit po hindi? Si Senator Grace naman po ay maganda rin naman ang hangarin sa bansa, I wish her well”.
Sa tingin din ni Santos ay magiging handa si Robredo kung kakailanganin ito ng partido.- Jay Dones/Gina Salcedo