Trump at Clinton nakaboto na, resulta ng eleksyon inaabangan

 

Matapos ang mahabang kampanyang napuno ng mga kontrobersya at bangayan, nag-simula na ang eleksyon sa United States.

Umpisa na para sa mga US citizens ang pag-pili sa pagitan nina Republican candidate Donald Trump na isang bilyonaryong businessman, at ni Democratic candidate Hillary Clinton na kung sakaling palarin ay magiging kauna-unahang babaeng pangulo ng bansa.

Halos 45 milyong katao na ang bumoto bago pa man ang mismong Election Day, na pawang mga nakaramdam ng ginhawa dahil sa wakas ay matatapos na ang napakahabang kampanya kung saan nagbatuhan ng putik ang mga kandidato sa isa’t isa.

Nakaboto naman na si Clinton kasama ang kaniyang asawa na si former President Bill Clinton sa local polling station sa Chappaqua, New York, dakong alas-8 ng umaga.

Sinalubong si Clinton ng kaniyang mga supporters sa nasabing polling station.

Samantala, bumoto na rin si Donald Trump kasama ang kaniyang misis na si Melania sa isang paaralan sa Manhattan, New York, na hindi nalalayo sa kaniyang tahanan doon.

Inilarawan ni Clinton ang kaniyang pagboto bilang kaniyang “most humbling feeling,” lalo’t alam niya kung gaano kalaking responsibilidad ang kaakibat ng pagboto niya sa kaniyang sarili.

Sa ngayon naman ay positibo si Trump sa mga nagaganap at aniya’y magiging “interesting” pa ang mga susunod na mangyayari.

Read more...