Ayon kay Ocampo, noong pa lang ipinagpaliban ng Supreme Court ang kanilang paglalabas ng desisyon ay nagduda na sila.
Halata aniya sa mga pagtatanong ng mga Mahistrado na pilit nitong inaalam ang pinakamaliliit na detalye ng mga kaso ng dating pangulo.
Nanindigan si Ocampo na sa halip na legal technicalities, mas binigyan dapat ng bigat ng Korte Suprema ang pagpapatalsik kay Marcos ng taumbayan noong EDSA People Power revolution na maitituring na pinakamatindi na uri ng ‘dishonorable discharge’ para sa isang Commander in Chief ng AFP.
Taliwas naman aniya sa sinasabi ng pamilya Marcos, hindi maisasara ang nasabing usapin sa naging pasya ng Korte Suprema.
Para aniya sa kanila, ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman ay sampal sa mga tulad niyang biktima ng martial law at vindication sa mga Marcos na itinuturing ang dating presidente na pinakamagaling na pangulo ng bansa.
Wala na rin silang balak na kausapin si Pangulong Duterte at sa halip ay dudulog muna sa kanilang mga abogado para sa kanilang mga susunod na hakbang kabilang na ang pagsasampa ng motion for reconsideration.
Tiniyak naman ni Bayam Muna partylist Rep. Carlos Zarate na hindi nila patatahimikin ang labi ni dating pangulong Marcos kahit na nakalibing na ito sa LNMB dahil patuloy nilang ipapahayag ang kanilang pagkontra dito.