Pero agad namang nilinaw ni Poe na wala siyang natatanggap na pormal na alok mula sa Liberal Party para maging running mate ni Interior Secretary Mar Roxas bagaman ito ang hayagang panawagan ng ilang mga kilalang kasapi sa Liberal Party.
Paliwanag ni Poe, lahat ay maaring magsakripisyo para sa ikagaganda at ikauunlad ng bansa.
Kung handang magsakripisyo si Poe ay ganun din si Senador Francis Escudero.
Ani Escudero, handa siyang umatras sa pagtakbo bilang pangalawang pangulo kung magpapasya ang kanyang matalik na kaibigan na si Senador Grace Poe na tumakbo sa parehong posisyon.
Ayon kay Escudero, handa siyang suportahan ang anumang desisyon ni Poe gaya nang ginawa niya noong 2004 nang suportahan niya ang ama ng senadora na si Fernando Poe Jr.
Pagtitiyak ni Escudero, hindi sila magkakabangga ni Poe sa iisang posisyon kahit na ano man ang mangyari.
Kasabay nito, pinabulaanan ni Escudero na may pag uusap na ang kampo nila ni Poe sa Nationalist Peoples Coalition.
Binigyang diin ni Escudero na wala pa naman silang pinal na pasya ng senadora./Chona Yu