Headquarters ng Samsung sa South Korea, sinalakay ng mga piskal

Samsung LogoSinalakay ng mga South Korean prosecutor ang tanggapan ng Samsung Electronics bilang bahagi ng imbestigasyon sa political scandal na kinasasangkutan ni President Park Geun-hye.

Ang pagsalakay ay bilang pagsisiyasat sa impormasyon ng piskalya na ang Samsung ay nagbigay ng financial assistance sa anak na babae ng kaibigan ng presidente.

Batay sa nakuhang detalye ng piskalya, aabot umano sa 3.5 billion won ang naibigay ng Samsung sa kumpanyang pag-aari ni Choi Soon-sil.

Ito ay para mapondohan umano ang equestrian training ng anak ni Choi sa Germany.

Nais ng mga prosecutor na makakuha ng datos at impormasyon mula sa Samsung kung ano ang kaugnayan nito sa Korea Equestrian Federation.

Inaresto na ng mga otoridad si Choi dahil sa kasong fraud at inaakusahan din ng panghihimasok sa state affairs kabilang ang pagtatalaga ng mga tauhan sa pamahalaan at policy decisions kahit wala naman itong opisyal na pwesto sa gobyerno.

Si Choi ay anak ng yumaong religious leader na si Choi Tae-Min na nagtayo ng isang kulto sa tinawag niyang Church of Eternal Life.

Itinanggi naman ni Park na siya ay naimpluwensyahan ni Choi o ng nasabing kulto.

Pero inamin ng South Korean president na tumutulong si Choi sa kaniyang mga personal affairs.

 

Read more...