Hepe ng CIDG-8, sinibak sa puwesto matapos ang Espinosa killing

 

Ilang araw matapos ang kuwestyunableng pagsalakay ng grupo ng CIDG Region 8 sa Baybay Sub-provincial jail na ikinamatay ni Albuera Leyte mayor Ronaldo Espinosa Sr. at isa pang inmate, sinibak sa puwesto ang hepe nito na si Supt. Marvin Marcos.

Ayon kay Chief Inspector Ma. Bella Rentuaya, information officer ng Police Regional Office Eastern Visayas, ipinag-utos ng CIDG headquarters sa Kampo Crame ang pagsasailalim sa administrative relief kay Marcos matapos ang operasyon ng kanyang mga tauhan noong Sabado.

Paliwanag ni Rentuaya, bahagi ng standard operating procedure ang pagsibak sa pwesto kay Marcos habang isinasagawa ang imbestigasyon sa kontrobersyal na raid ng CIDG-8.

Sinabi pa nito na nagpalabas na rin ng ‘guideline’ ang national headquarters na nagbibilin sa kanilang mga tauhan na iwasang magbigay ng anumang komento o haka-haka hinggil sa insidente habang isinasagawa ng imbestigasyon.

Noong Linggo, dumating na rin sa Leyte ang grupo ng CIDG mula sa national headquarters upang mag-imbestiga sa pagkakapatay kay Mayor Espinosa at sa kapwa inmate nito na si Raul Yap.

Read more...