Hinamon ng Malacañang ang pamunuan ng Cavite State University na ipaliwanag kung bakit sapilitan ang pagpapa-attend sa mga estudyante nito sa ‘True SONA ni Vice President Jejomar Binay.
Lumalabas kasi na inatasan ni Cavite State University President Divinia Chavez ang mga estudyante nito na panoorin ang TSONA ni Binay sa kanilang gymnasium.
Base sa anunsyo, Itinuring na “excused” ni Chavez ang mga mag-aaral sa kanilang klase para dumalo sa TSONA kung saan obligado ang attendance ng mga ito.
Kinuwestiyon din ni Lacierda ang aniya ay pagsisinungaling sa mga estudyante dahil ipinakilala ang okasyon ng TSONA ni Binay bilang isang simpleng student assembly.
Matatandaang kahapon, isinagawa ni VP Binay ang kanyang tinaguriang ‘True SONA sa CavSU na dinaluhan ng mga estudyante ng paaralan.
Ilan pa sa mga mag-aaral ang nakitang may bitbit na mga banner na nagpapakita ng suporta sa Pangalawang Pangulo.
Gayunman, sa isang larawan na ‘posted’ sa facebook ni Sec. Lacierda, makikita dito ang isang Memorandum na nakadikit sa isang poste sa loob ng paaralan na inoobliga ang mga estudyante sa 3rd at 4th year na dumalo sa isang ‘pagtitipon’ sa kanilang school gymnasium.- Alvin Barcelona/Jay Dones