Amnesty program sa mga undocumented nationals sa Oman, pinalawig

Oman MapPinalawig pa ng Sultanate ng Oman ang amnesty program nito para sa mga undocumented na foreign workers hanggang sa Oktubre 28.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang nasabing amnesty program na nagsimula noong Mayo 3 ay natapos na sana noong Hulyo 31.

Kaugnay nito, sinabi ng DFA na mas pinaigting na ng Embahada ng Pilipinas na nakakasakop sa Oman ang paghikayat sa mga pinoy doon na walang dokumento na i-avail ang programa para maiwasang mahuli ng mga otoridad. “With the recent announcement, the Philippine Embassy [in Muscat] has stepped up its efforts to encourage undocumented overseas Filipino workers (OFWs) in Oman to avail of the amnesty and avoid paying overstay penalties and other fines,” ayon sa abiso ng DFA.

Ayon kay Philippine Ambassador to Oman Narciso T. Castañeda, dapat ay magkusa na ang mga undocumented OFWs na umuwi na ng Pilipinas para hindi na sila mahuli at mapagmulta.

Sa rekord ng Oman, mayroon nang 7,382 na undocumented workers na pawang mula sa iba’t ibang mga bansa ang naipa-deport sa ilalim ng programa.

Sa nasabing bilang, 162 ang mga Pinoy kabilang ang 29 na OFWs na pansamantalang kinakanlong ngayon sa Filipino Workers Resource Center (FWRC) ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Muscat.

Sa mga OFWs na nais mag-avail ng amnestiya, maaring tumawag sa POLO-Muscat hotline (+968) 9355-7931./ Dona Dominguez-Cargullo

Read more...