PNoy, sasamahan si Roxas sa kampanya

LP at Gloria Maris Greenhills Aug 4 teo
Mula sa Liberal Party Twitter account

Tiniyak ng Pangulong Benigno Aquino III na hindi siya mawawala sa kampanya ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas para sa 2016 elections.

Ayon sa pangulo, makakaasa si Roxas na siya mismo ay tutulong para matiyak ang panalo nito sa pagka-pangulo bilang pambato ng administrasyon.

Sinabi ni Pangulong Aquino na kahit abala siya sa nalalabing panahon ng kaniyang panunungkulan sa bansa at tutulong pa rin siya sa kampanya ni Roxas sa abot ng kaniyang makakaya.

Sa halip naman na gumamit ng mga personalidad, sinabi ng Pangulong Aquino na adbokasiya at ‘platform based politics’ ang magiging sentro ng kampanya ni Roxas. Ayon sa pangulo, tumutulong din siya at ang Liberal Party sa pagpili ng kung sino ang magiging ka-tandem ni Roxas sa halalan bagaman una niyang sinabi na ‘personal choice’ ni Roxas ang mamamayani sa kanyang magiging running mate.

Kasabay nito ay muling pinawi ng Malakanyang ang mga pangambang gagamitin ng pamahalaan ang pondo ng gobyerno para sa kampanya ni Roxas.

Sinabi ni PNoy na kahit noong taong 2013, walang naibutas ang mga kritiko sa kaniyang administrasyon na ginamit niya ang pera ng pamahalaan para maipanalo sa eleksyon ang mga sinusportahan niyang pulitiko.

Samantala, muling nagtipun-tipon ang Liberal Party bilang ‘show of support’ kay Roxas.

Ilang araw matapos pormal na endorsement ni Pangulong Aquino kay Roxas, muling nagsama-sama ang mga miyembro ng partido Liberal sa Greenhills sa San Juan sa isang pagtitipon na may temang “Ituloy ang Daang Matuwid”. Dumalo sa nasabing pagtitipon ang mga lokal na pamahalaan sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Kabilang sa nagbigay ng talumpati si Albay Governor Joey Salceda at sinabing ang buong Albay ay tiyak ang suporta kay Roxas.

Ipinapanood din muli sa mga miyembro ng Liberal Party ang video ng magkasunod na talumpati ni PNoy at ni Roxas noong pormal na inihayag ang pag-endorso sa kalihim bilang kandidato ng Liberal Party sa pagkapangulo sa 2016./ Alvin Barcelona, Dona Dominguez-Cargullo

Read more...