Kinailangan ng Mexican boxer na si Jessie Vargas na maging listo sa bawat segundo ng laban nila ni People’s Champ Manny Pacquiao para manatili siyang buhay.
Ayon pa kay Vargas, mistulang laro ng chess ang naging laban nila ni Pacquiao.
Ibinahagi pa ni Vargas na nagpaka-alerto siya habang hinahabol si Pacquiao, ngunit napatunayan niya ang kasanayan ng kalaban bilang boksingero.
Sa kabila naman ng kaniyang ikalawang pagkatalo sa 29 na laban na kaniyang nilahukan, naniniwala si Vargas nakakuha rin siya ng experience sa laban ni Pacquiao.
Aniya pa, ang mismong pakikipaglaban lang kay Pacquiao pa lang ay malaki na ang maitutulong sa kaniyang kasanayan.
Naging maingat at mabilis aniya si Pacquiao sa kanilang laban.
Sang-ayon naman dito ang trainer ni Vargas na si Dewey Cooper, na naniniwalang may ibubuga rin talaga ang kaniyang kalaban.
Napatunayan aniya ni Cooper na si Vargas ay hindi tulad ni Chris Algieri na nagtamo ng anim na knockdown mula kay Pacquiao noong 2014.
Sa katunayan aniya ay dalawa hanggang apat na beses ring nag-alangan bumanat si Pacquiao kay Vargas sa kanilang laban.
Ayon pa kay Vargas, nakikitaan niya ang sarili ng magandang kinabukasan sa larangang ito matapos niyang makalaban si Pacquiao.