Naniniwala ang hepe ng Albuera municipal police na si Chief Insp. Jovie Espenido na magdudulot ng chilling effect sa iba pang mga testigo ang pagkasawi ni Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay Espenido, matatakot na ang ibang mga magsisiwalat ng tungkol sa operasyon ng iligal na droga na pinatatakbo ng anak ng alkalde na si Kerwin Espinosa.
Wala na aniya kasing katiyakan ang mga ito sa kaligtasan nila bilang mga testigo.
Si Espenido kasi ang kumumbinsi kay Espinosa na maglabas ng affidavit at tukuyin ang mga pulis at opisyal ng pamahalaan na nagpo-protekta sa negosyo ng droga ni Kerwin sa Eastern Visayas.
Ayon sa Criminal Investigation Group in Eastern Visayas (CIDG-8), una silang pinaputukan ni Espinosa nang maghahain sila ng search warrant laban dito sa loob ng kaniyang selda.
Ngunit ikinagulat naman ni Espenido kung bakit napatay ng CIDG sa raid si Espinosa gayong isa lang naman ang hawak nitong baril.
Paliwanag ni Espenido, marami na silang isinagawang raid laban kay Espinosa kung saan limpak-limpak na shabu at armas ang kanilang nasabat ngunit hindi naman nila ito pinatay.
Nakatakda namang tumungo si Espenido sa burol ni Espinosa at personal na humingi ng tawad sa pamilya nito, dahil siya ang nakaisip na magiging ligtas ang alkalde kung ikukulong siya sa Leyte sub-provincial jail.