Lumabas sa pagsasaliksik ng Radyo Inquirer, na kung pagbabatayan ang isang artikulo sa ‘thelocal.de’ , isang German online news agency na nailathala noong May, 2009, lumalabas na una nang dinukot ng mga Somali pirates ang mga hostage ng Abu Sayyaf na ang isang nagngangalang “Jurgen Kantner”, at isang “Sabine Merz” noong June 23, 2008.
Dinukot umano ang noo’y 62-anyos na si Kantner at Merz habang sakay ng yate ng mga Somali pirates habang naglalayag sa Gulf of Aden.
Tumagal umano ng 52-araw sa kamay ng mga pirata ang dalawa bago pinalaya kapalit umano ng malaking halaga ng ransom demand.
Matapos na makidnap, nagawa pang bumalik sa bayan ng Berbera, Somalia makalipas ang isang taon nina Kantner at ni Merz upang bawiin ang kanilang yate.
Binanggit rin sa artikulo na sadyang hilig nina Kantner at Merz ang maglibot sa iba’t-ibang panig ng mundo gamit ang kanilang yate.
Sa naturang yate na sila aniya nabubuhay, paliwanag pa ni Kantner at ipinapasa-Diyos na lamang ang panalangin na hindi na sila mabiktimang muli ng mga pirata at bandidong grupo.
Isa rin umano sa kanilang opsyon ang bumili ng baril bilang proteksyon sa kanilang sarili laban sa mga pirate at mga kidnapper.
Gayunman kahapon, sa panayam ng Inquirer, kinumpirma ni Abu Ramie, nagpapakilalang tagapagsalita ng Abu Sayyaf Group na bihag nila ang isang 70-anyos na German na nakilala sa pangalang “Juegen Kantner”.
Napatay naman umano nila ang isang “Sabine” na kasama rin ng dayuhan nang kanila itong sapilitang dukutin habang sakay ng kanilang yate sa Tanjung Pisut, Tawi-Tawi.
Ayon kay Ramie, tinangka umano barilin ng babaeng dayuhan ang mga miyembro ng ASG kaya’t binaril nila ito hanggang sa mapatay.
Gayunman, wala pang kumpirmasyon sa panig ng AFP hinggil sa panibagong insidente ng kidnapping na kinasasangkutan ng Abu Sayyaf Group.