Bgy. Captain na kasabwat umano ng ASG sa pangingidnap sa Sulu, arestado

 

Natimbog sa operasyon ng pinagsanib pwersa ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Joint Task Force Sulu (JTFS) at Sulu Provincial Police Office (SPPO) ang isang kapitan ng barangay sa Sulu na may kinalaman umano sa pagdukot sa ilang mga dayuhan.

Sa bayan ng Indanan naaresto ang kapitana ng Barangay Niyog Sangahan sa bayan ng Talipao na si Fauzia Abdullah dahil sa kasong kidnapping with homicide.

Ito ay kaugnay ng pagdukot sa mga Canadians na sina John Ridsdel at Robert Hall, Norwegian na si Kjartan Sekkingstad at ang Pilipinang si Marites Flor sa Samal Island.

Hinihinalang nakipagsabwatan si Abdulla sa mga miyembro ng bandidong grupong Abu Sayyaf sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng matutuluyan, pagkain at mga impormasyon.

Sangkot din umano si Abdulla sa pamumuno at pagbubuo ng mga desisyon sa grupong Abu Sayyaf.

Ayon kay Brig. Gen. Arnel dela Vega, naniniwala silang malaki ang epekto ng pagkaka-aresto kay Abdulla sa pamunuan ng ASG, lalo na ang kanilang information network.

Dinala ng mga otoridad sa Sulu PPO si Abdulla para sa kaukulang dokumentasyon at isailalim sa mga proseso.

Read more...