Nakatakdang maghain si Sen. Richard Gordon ng resolusyon na nananawagan ng pagsasagawa ng sariling imbestigasyon ng Senado sa pagkamatay ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay Gordon, chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, ihahain niya ang naturang resolusyon pagkatapos niyang maisumite bukas ang committee report sa isinagawang imbestigasyon naman ng Senado sa umano’y extra judicial killings na nagaganap bansa.
Makikipagtulungan din aniya siya kay Sen. Panfilo Lacson na una nang nanawagan na muling buhayin ang Senate investigation sa mga kaso ng EJK.
Naalarma si Gordon sa pagkamatay ni Espinosa dahil nangangahulugan aniya na hindi na ligtas ang mga taong nasa kustodiya na ng mga otoridad.
Kasabay nito, nanawagan din si Gordon sa Philippine National Police na imbestigahan ang insidente at pigilan na ang lahat ng kaso ng pagpatay partikular na sa mga sumuko at nakakulong na.
Matatandaan na noong nakaraang Agosto ay sumuko na si Espinosa sa PNP matapos mapabilang sa inilabas na listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mga opisyal na sangkot umano sa iligal na droga.