Ayon kay Atty. Eduardo Arriba, legal counsel ni Sebastian, ang panibagong reklamo na kanilang ihahain naman sa Senate Committee on Ethics and Privileges ay bilang tugon sa pahayag ni De Lima na isang government asset ang high-profile inmate.
Posibleng bukas o sa Martes aniya nila ihahain ang naturang reklamo.
Noong Biyernes ay naghain ng dalawampu’t tatlong pahinang reklamo ang asawa ni Sebastian na si Roxanne at abogadong si Arriba bilang kanyang mga kinatawan laban kina De Lima, dating Bureau of Corrections (BuCor) Director Ricardo Rainier Cruz at dating New Bilibid Prison (NBP) Superintendent Richard Schwarzkopf Jr.
Ang reklamo ay para sa mga kaso ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at Anti-Torture Act of 2009.
Bukod dito, naghain din ng karagdagang reklamo si Roxanne ng paglabag sa Presidential Decree no. 46 o An Act Punishing the Receiving and Giving of Gifts of Public officials and Employees”, at indirect bribery laban pa rin kay Senator De Lima.
Paliwanag ni Arriba, ang reklamong indirect bribery at batay sa sinumpaang salaysay ni Sebastian nang tumestigo ito sa isinagawang pagdinig ng Kongreso kaugnay sa paglaganap ng iligil na droga sa Bilibid.
Ayon sa abogado, may kinalaman ang naturang reklamo sa utos ni De Lima kay Sebastian na lumikom ng pondo para sa kanyang senatorial campaign noong nakaraang eleksyon.