Dahil sa patuloy na nararanasang pag-ulan dulot ng umiiral na Intertropical Convergence Zone (ITCZ), itinaas na ng PAGASA ang heavy rainfall warning sa dalawang lalawigan sa Bicol.
Sa abiso ng PAGASA, yellow warning level ang umiiral sa Camarines Norte at Sorsogon na ang ibig sabihin ay nakaranas na ng malakas na buhos ng ulan sa dalawang lalawigan sa nakalipas na isang oras at inaasahang tatagal sa susunod na dalawang oras.
Payo ng PAGASA sa mga residente sa lugar, imonitor ang sitwasyon dahil posibleng magkaroon ng pagbaha.
Samantala, mahina hanggang sa katamtaman na kung minsan ay malakas na pag-ulan naman ang nararanasan sa iba pang bahagi ng Bicol Region kabilang ang Albay, Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte, at Masbate kabilang ang Ticao Island at Burias Island, gayundin sa bahagi naman ng Marinduque at Northern Samar.
Sa lalawigan ng Oriental Mindoro at Romblon, sinabi ng PAGASA na nakararanas din ng mahinang pag-ulan dahil sa thunderstorm.