Resignation ni Roxas, tinanggihan ng pangulo

aquino-roxas-1005
Inquirer File Photo

Pormal ng isinumite ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas kay Pangulong Benigno Aquino III ang kaniyang resignation letter ngunit ito ay tinanggihan ng pangulo.

Kinumpirma ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., na tinanggihan ni Pangulong Aquino ang pagbibitiw ni Roxas. Ayon kay Ochoa, kinumbinse ng pangulo si Roxas na manatili pa sa pwesto para asikasuhin ang mga ilang mahahalagang bagay sa ahensya at tiyaking magiging maayos ang paglilipat ng poder bago ito bumaba sa pwesto.

Ang liham ni Roxas na nagsasaad ng kaniyang pagbibitiw bilang kalihim ng DILG ay natanggap ng Office of the President alas 2:15 ng hapon kahapon, August 3.

Sinabi ni Roxas na aasikasuhin niya ang lahat ng proseso para sa maayos na turn over ng mga trabahong iiwanan niya sa DILG. “With this letter, I hereby respectfully tender my resignation. I will immediately begin the process of turning over in an orderly manner all the matters pending in my office. Needless to say, I am always on call,” ito ang nakasaad sa resignation letter ni Roxas.

Pinasalamatan din ni Roxas si Pangulong Aquino sa tiwala at kumpiyansa na ibinigay sa kaniya.

Nangako din si Roxas na hindi niya bibiguin si PNoy at ang kaniyang mga “boss”. “I take this opportunity once more to sincerely thank you for your trust and confidence in me to carry on the fight for Daang Matuwid. I meant every word I said in my response. I will not let you and our bosses down,” dagdag pa ni Roxas sa kanyang liham.

Kahapon ay sinabi na ni Pangulong Aquino na hihilingin niya kay Roxas na manatili pa sa pwesto dahil marami pang kailangang tapusin sa DILG. Tiwala si Pangulong Aquino na pagbibigyan siya ni Roxas sa kaniyang kahilingan./Dona Dominguez – Cargullo, Alvin Barcelona

Read more...