Walang garantiya kung hanggang kailan maaring makapangisda ang mga Pinoy sa Panatag o Scarborough shoal nang hindi hinaharang ng mga tauhan ng Chinese Coast Guard.
Ito ang dahilan kaya’t payo ng Malacañang sa mga Pinoy na mangingisda, i-enjoy na ang pagkakataon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, sa kasalukuyan, walang ibinibigay na garantiya ang China na nagpapahintulot sa mga Pinoy na makapangisda sa lugar.
Ang malinaw aniya, nakakapunta nang muli ang mga mangingisda sa Panatag shoal nang hindi pinipigilan ng mga tauhan ng China.
Gayunman, sa oras aniyang muling magpulong ang Pilipinas at China, idudulog na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naging ruling ng UN Arbitral Tribunal na nagpapawalang-bisa sa 9-dash claim ng China sa South China Sea.