Highway na nagdudugtong sa Koronadal at GenSan, isinara dahil sa baha

 

File photo

Kinailangang isara kahapon ng mga lokal na opisyal ng Koronadal City ang isang major highway na nagdudugtong sa Koronadal at General Santos City.

Ito ay dahil sa flash floods na malubhang nakaapekto sa mga daanan, bunsod ng katamtaman hanggang malakas na ulan na naranasan sa lugar.

Ayon kay Koronadal City administrator Cyrus Urbano, isinara sa mga motorista ang Koronadal-General Santos highway, partikular sa bahagi ng Barangay Carpenter Hill kahapon ng hapon matapos itong bahain nang may kasama pang mga debris mula sa bundok.

Dahil dito, pinayuhan ang mga motorista mula sa General Santos na patungong Koronadal City na dumaan muna sa Crossing Rubber sa bayan ng Tupi, South Cotabato papuntang Tampakan, at saka sa Brgy. San Roque sa Koronadal City.

Para naman sa mga manggagaling ng Koronadal City, pinayuhan sila na dumaan sa Barangay Barrio Dos papuntang Tupi, at saka tahakin ang ruta ng Tampakan to General Santos.

Tiniyak naman ni Urbano na may mga backhoes nang nakahanda para klaruhin ang kalsada at alisin ang mga kahoy at debris oras na humupa na ang baha.

 

Read more...