Ayon kay Dela Rosa, mayroong mga biased na local at international media na ang nakikita lang aniya ay ang mga negatibong pangyayari.
Aniya, puro ang masasamang pangyayari lang ang kanilang binabalita, ngunit hindi pinapansin ang kabutihang naidulot ng mga nagawa ng PNP sa kampanya laban sa iligal na droga.
Mistulang patutsada ito ni Dela Rosa sa ulat ng international news agency na Reuters, na nagsabi tungkol sa umano’y pagpapahinto ng US State Department sa pagbebenta ng Amerika ng armas sa PNP dahil sa mga paglabag sa human rights sa bansa.
Umapela naman si Dela Rosa sa media na sana ay makipagtulungan sa gobyerno at ibalita kung gaano na kaligtas ang pakiramdam ng mga tao sa ibang lugar ng Metro Manila, at hindi lang ang mga napapatay dahil lumaban sa mga pulis.
Dapat din aniyang tumulong ang media sa pagpapaganda ng imahe ng bansa, at hindi ang sirain ito.