Isa pang International NGO, pinuna ang EJKs sa bansa

File photo

Nababahala na rin ang international nongovernment organization (NGO) na Global Centre for the Responsibility to Protect (GCR2P) sa umano’y extrajudicial killings sa kasagsagan ng kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Nabanggit ng GCR2P sa kanilang publication noong October 20 na “Atrocity Alert” ang Pilipinas na kabilang sa mga bansa kung saan ang mga tao ay “at risk of, or are enduring mass atrocity crimes.”

Bukod sa Pilipinas, kabilang din ang mga bansang Iraq, Yemen at Central African Republic sa pinakahuling edisyon ng “Atrocity Alert.”

Ayon sa grupo, nahaharap ngayon ang mga Pilipino sa panganib ng mga crimes against humanity, at na ang mga bumubuo sa Kongreso ay puro mga ka-alyado ni Pangulong Rodrigo Duterte na hinahayaan lang na magpatuloy ang extrajudicial killings.

Hindi anila ikinukonsidera ng mga mambabatas ang due process o kaya ang accountability sa ilalim ng pormal na sistema ng hustisya.

Dagdag pa ng grupo, habang ipinapatupad ng pamahalaan ang batas at kaayusan, kahit sa pagbibigay parusa sa mga nagbebenta ng iligal na droga, dapat pa rin nitong igalang ang international humanitarian at human rights law.

Panawagan pa ng grupo, kaialngang kumilos ang mga otoridad sa Pilipinas upang maibalik ang respeto sa batas at agad na mapigilan ang paglaganap ng extrajudicial killings.

Dapat rin anilang ipagpatuloy ng International Criminal Court ang pagbabantay sa sitwasyon sa Pilipinas.

Ang GCR2P ay isang New York-based na organisasyon na suportado ng mga international leaders tulad nina Nobel laureates Kofi Annan at Desmond Tutu, pati na ni dating Pangulong Fidel Ramos.

Read more...