PNP kukuha ng M4 rifle sa ibang supplier kung itutuloy ng US congress ang pagharang sa kontrata

M4 Assault RifleKung matutuloy ang banta ni US Senator Ben Cardin sa kontrata ng Pilipinas sa pagbili ng libu-libong mga Sig Sauer M4 assault rifle sa Estados Unidos, ay pwede namang sa ibang supplier na lang kumuha ang Philippine National Police (PNP).

Reaksyon ito ng PNP, sa balitang lumabas na kokontrahin ni Cardin ang nasabing kontrata, dahil sa nababahala umano sya mga extra-judicial killings na nagaganap sa Pilipinas.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni PNP spokesperson, Sr. Supt. Dionardo Carlos na kung talagang hindi matutuloy ang kontrata na kinapapalooban sana ng pagbili ng Pilipinas ng 27,000 assault rifles ay maaring sa ibang manufacturing firm na lang kumuha ng suplay.

Ani Carlos, hindi government to government ang transaksyon sa nasabing kontrata at sa halip ay mayroong kausap na supplier ang PNP.

Gayunman, sinabi ni Carlos na base lamang sa mga balita ang nasabing impormasyon at wala pa namang pormal na notice mula sa US hinggil dito.

Mabuti aniyang antabayanan na lamang muna ng PNP ang official notice mula sa US.

“27,000 assault rifles po ang binibili natin. Bumibili po talaga tayo ng mga bagong kagamitan para sa ating mga pulis na naka-assign sa ating mobile companies. Kung talagang hindi matutuloy, maari pong kumuha sa ibang manufacturing firm. As of this time kasi, based on news reports pa lamang po ito, let us wait for the official notice,” ani Carlos.

Samantala, nanghihinayang naman si dating Cong. Roilo Golez kung tuluyang mababalewala ang nasabing kontrata.

Aniya, magandang bahagi sana ng modernization ng PNP kung makakakuha ito ng nasabing mga armas.

Ang M4 rifle kasi aniya ay standard weapon na ngayon ng US marines.

Maging ang Philippine Army ayon kay Golez ay mayroon na ring mga M4 rifle.

Naniniwala naman si Golez na kahit pa hindi government to government transaction ang nasabing kontrata sa pagbili ng mga armas ng PNP ay mayroong “say” si Senator Cardin sa isyu.

Dadaan at dadaan kasi aniya sa US congress ang kontrata para sa review at may kapangyarihan ang mga senador na hindi nga ito aprubahan.

 

 

Read more...