Liquor ban, ipatutupad sa paligid ng UST sa panahon ng bar exams

 

Inquirer file photo

Magpapatupad ang Manila Police District (MPD) ng liquor ban sa mga lugar sa paligid ng University of Santo Tomas sa España, sa loob ng apat na magkakahiwalay na araw.

Ito ay kabilang sa mga planong pang-seguridad ng mga pulis Maynila sa papalapit nang 2016 bar examinations na gaganapin sa November 6, 13, 20 at 27 na pawang mga araw ng Linggo.

Ayon kay MPD Director Senior Supt. Joel Coronel, ipagbabawal ang pagbebenta, pag-inom o pamimigay ng alak sa loob ng 100 metrong layo sa gaganapan ng bar exam.

Magsisimula aniya ang bisa ng liquor ban mula sa gabi bago ang mismong araw ng bar exam hanggang kinabukasan ng hatinggabi.

Layon aniya nitong maiwasan ang mga insidente kung saan nag-iinuman sa kalsada ang mga miyembro ng kung anu-anong fraternities o mga grupo sa kasagsagan ng pagsusulit.

Iniutos na rin ni Manila Mayor Joseph Estrada ang mas mahigpit na seguridad sa kasagsagan ng mga nasabing petsa upang matiyak ang kaligtasan sa pagsasagawa ng bar exams.

Read more...