Ayon kay Communications Secretary Martin Andanar, nananatiling matatag ang ekonomiya ng bansa lalo’t bumaba ang poverty rate, stable ang inflation rate at kinikilala pa rin ang mga government-private contracts.
Kaya naman naniniwala si Andanar na ang anumang pagbabago sa polisiya na ipatutupad ng administrasyong Duterte ay hindi makakaapekto sa pag-unlad ng bansa.
Noong Lunes kasi ay naglabas ng report ang Moody’s na mananatiling stable ang banking system ng Pilipinas sa loob ng susunod na 12 hanggang 18 buwan.
Inaasahan rin na matatamasa ng bansa ang real gross domestic product growth na 6.5 percent sa taong 2016 at 2017.
Gayunman, nagbabala ang credit watchdog na maaring madamay sa pagbabago ng mga polisiya ang pag-usad ng ekonomiya ng bansa.
Matatandaang ilang beses nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais niyang isulong ang independent foreign policy para sa Pilipinas.